Sa pag usbong ng bagong umaga ay kasabay ng pagsilay ng pag-asa, ng bagong pagkakataon, ng pagpapalaya, at pagpapahalaga. Mali ako nung sinabi kong hindi na magbibigay na pagpapala ang mga tala dahil ginising ako nito sa gitna ng gabi; hinihingi ang sayang minsang nawala dahil sa paglalahad nito sa iba. Mali ako nung inalay ko sayo ang lahat ng pag-ibig na kaya kong ipadama, dahil kinuha mo lahat ng hindi man lang nagsasabing aalis ka rin pala. Ngunit nandun rin yung saya dahil kahit na hindi mo na makita pa ang sarili mo kagaya ng dati’y magiging masaya ka na lamang dahil minsan kang naging tahanan ng isang taong pinangarap mong makasama hanggang sa pagtanda.
Himala marahil ang bawat umaga. Sumisimbolo ng bagong pagkakataon upang kumpunihin muli ang mga bagay na tila hindi na kayang ayusin pa. Hinahanap muli ang pag-asa sa sulok ng aking kama, o kaya nama’y sa taguan ko ng aking paboritong pluma. Masaya akong nakikita ko ng muli ang pagkakaiba ng kasawian at pagpapalaya. Dahil dun, hindi na gaanong masakit ang bawat sugat na natatamo dahil sa maling akala.
Masaya akong natutunan na ng pusong hindi manahan sa piling ng iba. Marahil ay dahil sa kadahilanang nahanap na ang kalma sa kabila ng mga along minsang kinain ang natitirang kompiyansa. Masaya, dahil hindi na muling nasaktan sa kabila ng sakit na naulit na naman. Kaya’t sabi sa sarili’y hindi na maghahanap pa ng iba, sapat na sa akin ang mumunti nating alaala.
Comments