Nang manaig ang kadiliman - noong inagaw ng buwan ang liwanag mula sa araw. Tahimik ang silid kuwadradong tapunan ng sigaw. Nakapatay ang bintilador na nag-iingay sa gitna ng gabi. Walang laman ang abuhan. Nag-aagawan ang mga paang makatungtong sa kapirasong sahig. Noong Gabing pinagtaksilan ako ng antok at kinupkop ng pagkapuyat. Siguro'y plinano ng tadhana na mabasa mo ang pasikot-sikot na laman ng aking isipan. Kung saan nakaukit ang mga akda patungkol sa iyo. Mga akdang naglalaman ng pagkamangha - akda ng salamangkero patungkol sa kanyang pinaka-iingatang mga mahika, akda ng manlalakbay tungkol sa kanyang mga namarkahang mapa, akda ng mandaragat tungkol sa kanyang mga napagdaungan ng bangka. Ang nais kong maging simula ng kwento ay ang paghaplos ng mga metaporang nagsasayaw sa gitna ng katahimikan at tanging pangalan ko lang ang maririnig mula sa iyong labi. Ngunit ang wakas ay nakasalalay sa iyong mga kamay. Batid kong hindi tugma ang ating mga pantig ngunit ikaw ang awit ng solomon sa gabi kong payapa - sa pagsiklab ng dilim.
Comments